Tuesday 12th December 2017
f-icon twit-icon g-icon insta-icon
   

ABS-CBN pa rin ang pinaka-tinututukang network ng mas maraming Filipino sa buong bansa noong Nobyembre sa pagtala nito ng average audience share na 46%, kompara sa GMA na mayroon lamang 34%, ayon sa datos ng Kantar Media.

Hindi nagpadaig ang Kapamilya Network sa bawat parte ng bansa, partikular na sa Mega Manila sa pagrehistro nito ng average audience share na 37%, kompara sa 34% ng GMA, at sa Metro Manila sa pagkamit nito ng 41%, at tinalo ang 27% ng GMA.

Tinutukan din ang ABS-CBN sa Total Luzon sa pagtala nito ng 44%, laban sa GMA na may 35%; sa Total Visayas sa pagrehistro nito ng 54%, kompara sa GMA na may 27%; at sa Total Mindanao sa pagkamit naman nito ng 49%, at tinalo ang GMA na may 34%.

Kinakatawan ng Kantar Media ang 100% ng mga manonood ng telebisyon sa buong bansa sa paggamit nito ng nationwide panel size na 2,610 urban at rural homes.

Nananatiling numero uno sa listahan ang FPJ’s Ang Probinsyano (41.1%) ngayong mas tumitindi na ang aksiyon dahil nakatakda nang harapin ni Cardo (Coco Martin) ang sama-samang pagsugod ng kanyang mga mortal na kalaban.

Tinutukan din noong Nobyembre ang mga sopresa at rebelasyon sa La Luna Sangre (33.8%) na kamakailan ay pinag-usapan sa social media dahil sa trending na eksena nina Malia (Kathryn Bernardo) at Jacintha (Angel Locsin), na umani ng papuri ng netizens.

Patuloy din ang pamamayagpag ng TV Patrol (33.7%) sa larangan ng pagbabalita at public service at nanatiling pinakapinanood na newcast sa buong bansa.

Buong buwan ding hinangaan ang kakaibang talento ng kabataan sa Little Big Shots matapos nitong magkamit ng 30.2%.

Pinagmumulan naman ng aral at inspirasyon ang pinakabagong kuwento ng Wansapanataym (29.8%) na Jasmin’s Flower Powers na pinagbibidahan nina Janella Salvador at Elmo Magalona. Kinaantigan din ang mga kuwento ng totoong buhay ng letter senders ng MMK 25 sa pagtala nito ng 27.1%.

Mas humihigpit naman ang pagkapit ng mga manonood sa Wildflower (25.5%) ngayong tumitindi na rin ang tapatan nina Lily Cruz (Maja Salvador) at Helena Montoya (Zsa Zsa Padilla) na nagpapainit sa gabi ng mga tagasubaybay.

Pasok din sa listahan ang ABS-CBN comedy shows na Home Sweetie Home (25.3%) at Goin’ Bulilit (23.4%) na parehong nagbibigay saya sa mga Kapamilya sa buong bansa.

Samantala, panalo rin ang ABS-CBN sa lahat ng time blocks sa buong araw, partikular na sa primetime block, na nakakuha ng average audience share na 51%, o 19 na puntos na mas mataas sa GMA na may 32%. Ang primetime block ang pinakaimportanteng parte ng araw kung kailan karamihan sa mga Filipino ay nanonood ng telebisyon at inilalagay ng advertisers ang malaking parte ng kanilang investment upang makaabot sa mas maraming consumers.

ABS-CBN din ang nanguna sa morning block (6:00 a.m.-12:00 noon) at nagkamit ng average audience share na 41%, laban sa GMA na may 31%; sa noontime block sa pagrehistro nito ng 47%, kompara sa GMA na may 34%; at afternoon block sa pagkuha nito ng 42% at tinalo ang GMA na may 40%. (Krissy Dimayuga)

Latest    Trending    News

IG   Slideshow

All    Time    Trending

Copyright © 2017 NewsKo - Celebrity, media, campus crush..