Saturday 18th November 2017
f-icon twit-icon g-icon insta-icon
   

Walang dudang isa si Allen Dizon sa aktor ng bansa na may pinakamaraming acting awards na napanalunan. Sa ngayon, base sa aming pag-uusisa sa manager niyang si Dennis Evangelista, 23 Best Actor at apat na Best Supporting Actor, plus isang Best Ensemble na ang nakokopong tropeo ni Allen.

Kabilang dito ang Best Actor award sa Gawad Urian para sa Magkakabaung; Best Actor para sa Harlem International Film Festival noong 2014 para sa Magkakabaung din, na sinundan ng panibagong Best Actor sa 3rd Hanoi International Film Festival mula pa rin sa pelikulang pinamahalaan ni Jason Paul Laxamana, sumunod ay sa Silk Road Film Festival sa Dublin, Ireland sa Magkakabaung pa rin na nagback to back siya rito bilang Best Actor nang nanalo siya ulit sa 4th Silk Road Film Festival the following year para naman sa kanyang subtle yet very effective performance sa pelikulang Iadya Mo Kami ng BG Productions.

Mahaba pa ang listahan ng mga acting awards na napanalunan si Allen, ang pinakahuli ay sa 33rd Warsaw Film Festival sa Poland na tumanggap sina Allen at co-actor niyang si Angellie Nicholle Sanoy ng Special Jury award para sa pelikulang Bomba ni Direk Ralston Jover.

Bunsod ng mga acting awards na nakukuha ni Allen, may mga tumatawag na sa kanya ngayon bilang lalaking Nora Aunor, dahil kilala ang Supersatr sa husay sa pag-arte at sa rami ng acting awards na napanalunan ng veteran actress.

Ano ang reaction ni Allen, kapag tinatawag siya bilang lalaking Nora Aunor?

Nakangiting saad ni Allen, “Siyempre nakaka-flatter iyon, at saka iba yung reaksiyon, iba yung feeling kapag ikino-compare ka sa isang Superstar.

“Kumbaga, ako, lalaki ako, pero siya babae, pero ang daming ano eh… hindi ko talaga alam iyong reaksiyon ko, parang napakasaya ko kapag ganoon iyong sinasabi ng mga tao,” esplika ng actor.

Pahabol pa ni Allen, “Siyempre kasi, ibang level na kasi talaga si Ms. Nora, award-winning actress siya, sobrang magaling siya, at legend na talaga siya sa showbiz. Kaya nakakataba ng puso, kahit na mai-compare ka lang sa isang Superstar na katulad niya.

“‘Tsaka ako naman, hindi ko naman talaga ine-expect na makakarating ako ng ganitong katagal sa showbiz, na magkakaroon tayo ng mga achievements, awards, hindi ko rin ine-expect iyon, eh.”

Mula sa pagiging sexy actor ay naging award winning actor ka, paano mo ide-describe ang journey na nangyari sa iyong showbiz career?

“Noong time na iyon, ang naging inspirasyon ko ay ang mga pinagdaanan ko sa buhay. Lahat ng pinagdaanan ko, roon ko lahat nabibigay ‘yung pag-arte ko. Lahat ng struggles ko, lahat ng experience ko… good experience, bad experience, lumalabas iyon sa pag-arte ko,” seryosong pahayag niya.

May instance ba noon na minaliit ka dahil naging sexy actor ka?

Wika ni Allen, “Marami, maraming ganoon. Pero hindi ako nagtatanim ng sama ng loob at hindi ko sineseryoso ang mga ganoon. Kasi, as far as I know, wala akong ginagawang masama dahil trabaho ko lang iyon, eh.

“Pero mas lalo akong na-challenge sa mga ganoon. Kung walang ganoon, baka hindi dumating itong suwerte sa akin, sa career ko ngayon. And para sa akin, kung anuman ang narating ko ay talagang pinaghirapan ko lahat iyon.”

(NONIE V. NICASIO)

Latest    Trending    News

IG   Slideshow

All    Time    Trending

Copyright © 2017 NewsKo - Celebrity, media, campus crush..