Saturday 18th November 2017
f-icon twit-icon g-icon insta-icon
   

INILUNSAD na ni PBB Lucky Season 7 2nd Big Placer Kisses Delavin ang inaabangang self-titled debut album mula sa Star Pop, ang bagong sublabel ng Star Music para sa mga kabataan, sa matagumpay na grand album launch na ginanap sa SM North EDSA Skydome noong Lunes (Nob. 6).

Nagbigay ng exciting dance performance ang teen star bilang panimula ng show at pagkatapos ay kinanta na niya ang mga awiting La La La, Alam Na This, Pretty Boy, at Tulak ng Bibig, Kabig ng Dibdib. Bago magtapos ang programa, inawit naman niya para sa mga manonood ang carrier single ng kanyang album, ang Di Ko Lang Masabi.

Ibinulgar ni DJ Eva Ronda ng MOR na siyang host ng programa na nakabenta na ng 15,000 units ng album bago pa dumating ang kaabang-abang na paglulunsad nito.

Pinasalamatan naman ni Kisses ang kanyang fans at sinabing hindi maisasakatuparan ang album kung wala sila. “I didn’t really believe in myself na kaya kong magkaroon ng album dati, pero naisip ko dahil sa suporta nila, kaya ko ito.”

Sinamahan naman nina Rayver Cruz at ng La Luna Sangre actor na si Tony Labrusca ang dalaga sa kanyang album launch. Nakibahagi rin ang child star na si Awra Briguela bilang judge sa Miss Q & A game na sinalihan ng mga manonood.

Una nang inilabas ni Kisses ang single na ’Di Ko Lang Masabi noong Oktubre sa MOR at mula noon ay nanguna na ito sa mga chart. Sa loob lamang ng 20 araw, ang official lyric video nito sa YouTube channel ng Star Music ay nakakuha na ang 1 million views at kasalukuyang umabot na ito sa 1.3 million views.

Nakamit din ng baguhang singer ang isa pang record-breaking milestone dahil sold-out agad sa loob lamang ng 30 minutes ang tickets para sa kanyang album launch.

Bahagi ang mga ito sa ilan pang tagumpay na nakamit ng 2016 ASAP Pop Teen Sweetheart ngayong taon simula nang lumabas siya sa PBB. Naging guest celebrity VJ siya sa MYX kasama si Marco Gallo noong Hulyo, lumabas sa Wansapanataym Presents Amazing Ving, gumanap sa una niyang pelikula kasama ang MayWard loveteam na sina Maymay Entrata at Edward Barber noong Setyembre sa Loving in Tandem ng Star Cinema, at mapapanood sa nalalapit na digital series ng ABS-CBNmobile ang, Squad Goals.

Available na ang debut album ni Kisses sa mga record stores nationwide at digital stores worldwide. (Krissy Dimayuga)

Latest    Trending    News

IG   Slideshow

All    Time    Trending

Copyright © 2017 NewsKo - Celebrity, media, campus crush..