Tuesday 12th December 2017
f-icon twit-icon g-icon insta-icon
   

Magkahalong iling at ngiti ang naging reaksyon ng award winning actor na si Allen Dizon nang usisain namin sa kanyang reaksiyon sa X-Rating na nakuha ng pelikula niyang Bomba (The Bomb).

“Nagulat at nalungkot ako, dahil hindi ko naman ine-expect iyong ganoon. Kasi, ito yung ginagawa mo talaga, ito yung passion mo, ang gumawa ng pelikula, tapos mae-X ang pelikula mo. So, ang sama naman ng dating sa akin niyon bilang artista at bilang tao na rin,” saad niya.

Dagdag pa ni Allen, “Kasi kapag X-hindi mapapalabas yung pelikula, kawawa naman yung mga producers, kawawa naman yung mga artista, kawawa naman kami. Siyempre hindi lang naman basta-basta yung ginawa namin, pinaghirapan namin yung pelikula.”

Ang pelikula ay mula sa panulat at direksiyon ng international acclaimed director na si Ralston Jover. Ang Bomba ay isang social drama ukol sa middle aged disabled man na isang pipi o deaf played by Allen na may madilim na nakalipas at may taboo relationship sa isang 16 years old na teenager na ginagampanan naman ni Angellie Nicholle Sanoy.

Sa second review ay nakakuha ito ng R-13. Bukod kay Allen at Angellie, kasama rin sa pelikula sina Alan Paule, Sue Prado, Felixia Dizon, Joel Saracho, Tabs Sumulong, Lucas Dizon, Romeo Lindain, at Kate Brios sa espesyal na papel.

Sasabak ang Bomba sa 33rd Warsaw International Film Festival. Sa galing na ipinamalas dito ni Allen (nang mapanood namin ito sa special screening sa Fishermall last week), marami ang nagsasabi (kabilang na si Direk Ralston) na panlaban ang acting na ipinamalas dito ni Allen na parang bombang sumabog nang sa isang iglap ay animo gumuho ang kanyang mundo.

Kapag nasa international filmfest ka ba, kinakabahan ka pa rin?

Sagot ni Allen, “Siguro kapag mga award’s night, ako everytime na may awards night, medyo siyempre ay kinakabahan ka, na parang nae-excite ka na hindi mo maintindihan eh. Kasi, baka matalo, ganyan, baka…

“Pero ako, lagi akong negative, eh. Negative thinker kasi ako eh, so kapag naging positive (ang resulta ng award’s night), mas happy ako. Hindi ako laging nag-e- expect, parang nire-reverse pshycology ko… Parang, ‘Huwag kang mag-expect, hindi ka mananalo diyan.’ Para at least kung ano, hindi ako masyadong malulungkot. Pero in reality siyempre ay malulungot ka pa rin,” nakangiting saad pa niya.

Ano ang reaction mo na teaser pa lang, ang dami nang pumupuri sa iyo sa pelikulang ito? Saad ni Allen, “Siyempre nakaka-excite para sa akin na ma-appeal yung trailer, siyempre nae-excite ako lalo na kasi, ipalalabas na namin ito sa Warsaw at isang A-list festival ito. Siyempre iyon yung parang bonus, di ba? International release na kasi agad, festival na agad.

“Sana ay mas maganda yung kalalabasan kapag napanood na ng mga tao yung pelikula. Pero siyempre, nakakataba ng puso yung mga papuri. Everytime naman, lahat naman ibinibigay ko yung best ko eh, bilang artista.”

Aminado rin si Allen na isa ito sa pinakamahirap at challenging na papel na ginawa niya. “Para sa akin, isa ito sa pinakamahirap at pinaka-challenging, ang hirap kasing maging pipi, wala kang dialogue, eh. At mahirap din pag-aralan iyong sign language at kung paano sila gumalaw.”

Ano ang feeling na ikaw ang tinatawag ngayon as the most awarded actor sa iyong henerasyon? Ikaw na kasi yata ang may pinakamaraming awards na aktor?

“Siguro (may pinakaraming acting awards), pero marami rin namang magagaling eh, marami rin namang may maraming awards. Siguro lang nagkakataon lang, nata-timing-an lang na maganda ang mga projects, tapos every year may mga lumalabas na magandang palabas.”

May kulang pa ba sa iyo?

Tugon ni Allen, “Hindi naman kulang, parang, siguro ay ma-maintain ko lang iyong mga magagandang project. Kasi hindi ko alam, after nagawa ko na ang lahat, hindi ko alam kung saan ang pupuntahan ng career ko, hindi ba?

“Pero siyempre ang gusto ko, hanggang sa pagtanda ko ay uma-arte pa rin ako. Kumbaga, iyon yung gusto kong gawin talaga, eh.” (NONIE V. NICASIO)

Latest    Trending    News

IG   Slideshow

All    Time    Trending

Copyright © 2017 NewsKo - Celebrity, media, campus crush..